Biyaheng Baguio: Lakbay Tungo sa "Summer Capital" ng Pilipinas

     Ang Pilipinas ay isang tropikal na bansa kung saan ang mga tao ay nakakaranas ng panahon ng tag-ulan at panahon ng tag-init. Ang panahon ng tag-init ay panahon na inaabangan ng nakararami sapagkat ito ang panahon ng tinatawag na "Summer Vacation" kung saan nabibigyan ng pagkakataon ang mga tao na makasama ang kanilang mga pamilya at pumunta sa mga pook-pasyalan na hindi pa nila natutunguhan. Isa sa pinakasikat na gawain tuwing panahon ng tag-init ay ang paglangoy sa tubig dahil nga hindi maipagkakait na ang init na dala ng panahon na ito ay matindi pero hindi lahat ng tao ay mahilig lumangoy o kaya naman magbabad sa tubig kung kaya't nais kong ipaalam kung ano ang maaari nilang gawin at puntahan upang hindi masayang at maging masaya't makabuluhan ang kanilang bakasyon sa panahon ng tag-init.

Baguio City - Summer Capital of the Philippines

    Ang Baguio ay isang commercialized na lungsod na matatagpuan sa probinsya ng Benguet, Cordillera Administrative Region. Ito ay tinaguriang bilang "Summer Capital of the Philippines" dahil sa malamig na klima sa lugar na ito. Alam kong nagtataka kayo bakit na tinawag itong "Summer Capital" kahit na ang panahon dito ay malamig. Tinawag itong "Summer Capital" dahil sinabing ginawa itong tahanan ng mga Amerikano dahil hindi sila sanay sa mainit na klima ng Pilipinas lalo na tuwing sa panahon ng tag-init. Maliban pa rito, ito rin ay nagsilbing lugar upang malabanan ng mga Amerikano ang kanilang pagkaulila sa kanilang mga tahanan sa Amerika. 


    Ngunit paano nga ba magtungo papunta sa lungsod ng Baguio? Tulad ng ginawa ng aking pamilya noong nagpasya kami na magbakasyon sa lungsod ng Baguio, kami ay nagtungo sa terminal ng mga bus ng Victory Liner sa Pasay, Metro Manila at doon ay bumili kami ng ticket patungo sa lungsod ng Baguio. Ang biyahe patungo sa Bagiuo ay matagal at maaaring umabot ng anim hanggang walong oras depende sa daloy ng trapiko ngunit siguradong akong hindi kayo mababagot sapagkat maraming lugar ang inyong makikita bago makarating sa lungsod ng Baguio. Mga tanawin at lugar na matatagpuan tulad ng "Philippine Arena" sa Bulacan, "Candaba Viaduct" sa Pampanga, ang mga malalawak na luntiang sakahan sa La Union, bundok Arayat sa Zambales at marami pang iba. Ilan lamang iyan sa mga tanawing sigurado akong maglilibang sa inyo habang patungo kayo sa lungsod ng Baguio.

Uploading: 955067 of 955067 bytes uploaded.
 

    Nang makarating kami sa Lungsod ng Baguio, agad kaming nagtungo sa isang bahay-panuluyan kung saan kami ay nanatili ng isang buong linggo. Kami ay nagpahinga bilang paghahanda sa mga darating na araw. Sa loob ng isang linggo, iba't ibang mga pook pasyalan at mga magagandang tanawin ang aming pinuntahan. Una sa aming pinuntahan  ay ang Burnham Park na matatagpuan sa pinakasentro ng lungsod. Ito ay isang malawak na parke kung saan iba't ibang mga aktibidad ang maaaring gawin. Dito maaari kang magrenta ng mga bisikleta at lumibot gamit ito. Maliban pa dito, maaari ka ring magrenta ng mga bangkang may pedal at pumalibot sa nagmimistulang lawa sa gitna ng parke.   


    Kabilang din sa aming pinuntahan ang "Lion's Head" na isa sa mga pinakakilalang tourist spot sa Baguio. Isang malaking estatwa ng ulo ng isang leon na matatagpuan sa Kennon Road. Isa ito sa mga tourist spot na hinding-hindi papalampasin na hindi mapuntahan ng sinomang nagbabalak na pumunta ng Baguio. Kami rin ay nagtungo sa iba pang mga parke tulad na lamang ng Camp John Hay na itinayo ng mga Amerikano noong sila ay narito sa Pilipinas at Baguio Botanical Garden na punong-puno ng mga iba't ibang uri ng magaganda't makukulay na mga bulaklak at halaman.


    Ang Baguio ay isang lungsod kung saan maraming mga pangkat etniko ang naninirahan tulad na lamang ng mga Aeta. Mula dito, masasabi nating ang Baguio ay lugar na mayaman sa kultura't tradisyon kung kaya't hindi maiiwasan na marami ring mga pook pasyalan ang maaaring puntahan upang lalong makilala ang iba't ibang kulturang ito. Ilan sa mga pook pasyalan na aming pinuntahan na may kinalaman sa pagpapakilala ng mga kulturang ito ay ang Tam-awan Village at Baguio Museum. Ang Tam-Awan Village ay isang pasyalan na nagpapakita ng mga kultura at tradisyon ng mga Ifugao at Kalinga. Maaari ring kayong kumain dito at matunghayan ang isang pagtatanghal ng katutubong sayaw ng mga katutubo. 


    Kilala rin ang Baguio sa kanilang tinatawag na "presa" o mas kilala bilang strawberry sa Ingles. Sa kasamaang palad, hindi namin nakita ang ganda ng mga Strawberry Farm na puno ng bunga sapagkat nagkataon na hindi panahon ng bunga noong kami ay nagpunta ngunit kung ninanais niyong pumunta at makita ito, siguraduhing ang inyong pagpunta ay sa buwan ng Marso, Abril o Mayo.


    Hindi rin naman papahuli ang Baguio pag dating sa pagkain. Sobrang daming masasarap na kainan ang maaari niyong puntahan ngunit isa sa mga kainan na tumatak sa aking isipan at hanggang ngayon ay ninanais kong balikan ay ang "The Farmer's Daughter" na matatagpuan malapit sa Tam-awan Village. Maaari kayong makatikim rito ng iba't ibang pagkain tulad ng Kindot jan Baboy, Dinakdakan, Pinikpikan, Pak-pako, Pinunag at marami pang iba na sigurado akong patok sa inyong mga panlasa.


    Sa huling araw ng aming bakasyon, kami ay nagtungo muli sa Burnham Park upang mag-ikot at pagmasdan ang ganda ng Baguio. Nagkataon na pabugso-bugso ang ulan kung kaya't hindi na kami nakapunta sa ibang pasyalan ngunit pagsapit ng gabi, kami ay pumunta sa Baguio Night Market na isa sa mga lugar na hindi pinalampas puntahan ng aking pamilya. Naging masaya ang aming pamamasyal dito sapagkat maraming mga bagay ang maaari mong bilihan sa murang halaga. Dito na rin kami bumili ng mga pasalubong na aming maiuuwi para sa aming mga kakilala. 


    Nakakalungkot mang isipin na naging mabilis ang aming bakasyon sa Baguio, masasabi ko namang naging masaya't makabuluhan ang aming pagpunta sapagkat aming natunghayan ang ganda na handog ng mga tanawin at pook pasyalan na matatagpuan sa Baguio. Maliban pa rito, kami rin ay natuto sapagkat mas lalo naming nakilala ang iba't ibang kultura ng mga tao sa lungsod na ito. Bagaman marami pang mga pook kaming hindi napuntahan, ito ay ayos lamang sapagkat magsisilbi itong dahilan upang Lungsod ng Baguio ay aming balik-balikan. Ang paglalakbay na ito ay naging makabuluhan sapagkat nasaksihan ko kung gaano kayaman ang ating bansa. Magsilbi nawa itong dahilan para sa mga Pilipino na unahing lakbayin ang mga tanawin sa ating bansa dahil sigurado akong marami pa rito ang hindi niyo napupuntahan at sigurado akong sa inyong pagpunta, kayo ay makakabuo ng mga masasayang alaala na tatatak sa inyong mga puso't isipan habang buhay.



Comments